KALIBO, Aklan – Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ang isang retiradong principal sa loob mismo ng kanyang bahay sa Peraz Vill, Barangay Old Buswang, Kalibo, Aklan.
Nakilala ang biktimang si Rey delos Reyes, 60-anyos walang asawa, tubong Pandan, Antique at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon ng Kalibo Municipal Police Station, iniulat sa kanila na may umaalingasaw na mabahong amoy na galing sa bahay ng biktima.
Maliban dito, napansin ng mga residente na ilang araw na itong hindi lumalabas ng kanyang bahay.
Napag-alaman din na walang ibang kasama sa bahay ang biktima at tuwing araw lamang pumapasok ang kanyang kasambahay.
Humingi ng tulong ang mga barangay official sa pulisya para mabuksan at mapasok ang bahay.
Dito tumambad sa kanila ang naaagnas nang katawan ng biktima habang nakatihaya sa kanyang kama.
Walang ano mang sugat ang bangkay nang suriin ng Scene of the Crime Operatives kaya pinaniniwalaang namatay ito dahil sa kanyang iniindang sakit sa puso.










