-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Natagpuan na ang bangkay ng isang padre de pamilya na inanod ng tubig-baha linggo ng madaling araw sa ilog na nasa bahagi ng Brgy. San Miguel, Norala South Cotabato matapos ang tatlong araw na paghahanap.

Kinumpirma ng pulisya na bangkay ni Manong Prudencio Moreno, 55, na residente ng Brgy. Puti, Norala, South Cotabato ang natagpuan sa Ala river pasado alas-3:00 kaninang hapon sa Sitio Bilyawan, Brgy. Pinguiaman, Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Kagawad Ibrahem Maulana, ang kapatid nitong nangingisda ang unang nakakita sa bangkay ni Moreno na palutang-lutang sa ilog.

Kaya’t tumawag umano ito ng mga kasamahan at pinagtulungan nila na iahon mula sa tubig ang bangkay at dinala sa pangpang.

Ayon naman kay Kagawad Mateo Datuwal na isa rin sa tumulong na maahon ang bangkay ni Moreno, agad nila na ini(report sa Lambayong PNP ang nakita kaya’t pagdating ng pulisya ay kinunan ng larawan at ipinadala sa Norala PNP para sa kumpirmasyon ng pamilya.

Positibo naman umanong kinilala ang bangkay na si Manong Prudencio.

Sa ngayon ay nakatakda na itong kunin ng MDRRMO-Norala upang makita ng kaniyang pamilya.

Matatandaang dalawa sila ng kanyang anak ang inanod ng tubig-baha noong linggo ng madaling araw ngunit unang natagpuan ang bangkay ng 14-anyos na si Divine Grace noong Linggo ng gabi.