Isang palutang-lutang na bangkay ng isang lalaki ang narekober ng Philippine Coast Guard sa katubigang sakop ng Batangas.
Sa ulat, natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng naturang lalaki sa layong 2.69 nautical miles northeast mula sa Barangay Gamao, Tingloy, Batangas.
Agad na tinungo ito ng mga otoridad sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Coast Guard Sub-Station Tingloy kasunod ng pag-alerto ng Vessel Traffic Management System ng naturang lugar.
Ito ay matapos silang makatanggap ng radio call mula sa MV Maria Zenaida ng Montenegro Shipping Lines Incorporated na bumabaybay sa naturang lugar noong mga panahong namataan nila ang naturang palutang-lutang na bangkay.
Batay sa preliminary details na inilabas ng mga otoridad, ang naturang lalaki ay tinatayang may edad mula 25 hanggang 30 taong gulang, kayumanggi, may katamtamang laki ng katawan, at may tangkad na 5’7”.
Samantala, sa ngayon ay nakatakda namang dalhin ng mga otoridad ang mga labi ng nasabing lalaki sa Barangay Mainit, Mabini, Batangas, upang i-turn over sa local police para naman sa proper disposition at kaukulang documentation.
Kaugnay nito ay magsasagawa rin ng autopsy sa nasabing bangkay ang Scene of the Crime Operatives ng Batangas Provincial Police Office upang alamin ang naging sanhi ng pagkasawi ng naturang lalaki.