Natagpuang walang buhay malapit sa ospital ng Al-Shifa ng Gaza ang isang 65-anyos na babaeng Israeli na dinukot ng mga militanteng Hamas noong Oktubre 7.
Ang bangkay ni Yehudit Weiss, isang residente ng kibbutz Be’eri, ay natagpuan ng mga sundalong Israeli sa Gaza City at dinala pabalik sa Israel, ayon sa pahayag ng Israel Defense Forces.
Hindi naman idinetalye sa pahayag kung paano o kailan ito pinaslang, ngunit sinabi ng mga militar, na kinilala ng medical at rabbinate personnel ang bangkay at ipinaalam agad ito sa pamilya ng nasawi. Giit rin ng Israel Defense Forces spokesman na si Daniel Hagari, Hamas ang may kagagawan ng pamamaslang.
Si Weiss ay kabilang sa mahigit 200 katao na na-hostage ng Hamas sa panahon ng terror attack nito noong Oktubre 7, nang lumusob ang naturang grupo sa southern Israel at kumitil ng higit sa 1,200 katao. Ang asawa ni Weiss, na si Shmuel, ay kabilang din sa mga nasawi.