-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakita ang bangkay ng isang lalaki sa pampang malapit sa dagat na sakop ng Sitio Banquero, Brgy Pancian sa bayan ng Pagudpud.

Kinilala ng Police Lt. Bjay Calivoso, ang Deputy Chief of Police ng PNP-Pagudpud ang biktima na si Kyle Christian Izon y Eugenio, 22-anyos, computer engineering student ng Mariano Marcos State University (MMSU) at residente ng Brgy. Colo sa lungsod ng Batac.

Sinabi ni Calivoso na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nagkasagutan ang biktima at ang kasintahan nito dahilan upang lumabas si Izon.

Aniya, inakala ng kanyang kasintahan na nagpunta lamang ito sa tindahan upang bumili ng meryenda o magpahain gaya ng nakasanayan nitong gawin.

Samantala, sinabi ni Calivoso na nabigla na lamang ang kasintahan ng biktima ng makita ang isang facebook post ukol sa nakitang isang bangkay ng lalaki at nakilala niya itong si Izon.

Ipinaalam ni Calivoso na base sa naging eksaminasyo sa bangkay ng biktima, walang nakitang foul play dahil wala itong tinamong sugat na posible mula sa baril o matutulis na bagay.

Dagdag nito na kahit ang pamilya ng biktima ay naniniwalang walang foul play sa nangyari dahil walang nakaalitan ang estudyante ngunit hiniling ng mga ito na dumaan ang bangkay sa otopsiya.

Una na rito, sinabi ng deputy chief of police na nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima dahil sa posibleng pagkabagok nito sa bato matapos mahulog, 40 metro ang lalim na siyang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ipinalaam ni Calivoso na malaki ang posibilidad na kinitil ng biktima ang kanyang sarili dahil base sa dagdag na imbestigasyon, may probelma si Izon sa mga nakalipas na linggo lalo na sa pinansyal, pamilya at sa pag-aaral nito.

Ayon kay Calivoso, mula sa lungsod ng Batac ay natungo ang biktima sa Pagudpud gamit ang kanyang motorsiklo.