BAGUIO CITY – Kinumpirma ni La Trinidad Mayor Romeo Salda na natagpuan na ang bangkay ng isa sa dalawang kabataan na nawala sa kasagsagan ng habagat sa Wangal, La Trinidad, Benguet noong Agosto 13.

Sinabi ng alkalde na personal nilang nakita na naipit ang bangkay sa isang bato sa ilog at ito ay nadaganan ng mga basura sa pagitan ng Balili at Gayasi River.

Aniya, sa ngayon ay nasa isang morgue na sa Cruz, La Trinidad, Benguet ang bangkay at nagsasagawa na ng eksaminasyon ang PNP Crime Lab para makilala ang biktima.

Ayon sa mga responders, halos hindi na makilala ang bangkay dahil sa tagal na nitong naipit sa bato.

Gayunpaman, sinabi ng alkalde na lumakas ang pag-asa ng mga responders na sa pinakamadaling panahon ay matatagpuan na rin ang bangkay ng isa pa sa mga nawawala.

Una rito nakarating din sa Bagulin, La Union ang mga rescuers at volunteers para sa paghahanap kina Harley Rufino at Rommel Tadena na nawala mula pa noong Agosto 13.