LEGAZPI CITY – Nakatakda nang magbalik sa klase ang mga estudyante sa higher education institution sa Bicol matapos ang academic break, ayon sa Commission on Higher Education (CHED) Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CHED Bicol spokesperson Dr. Pamela Viñas, magre-resume na rin ang limited face-to-face classes ng ilang mga mag-aaral sa susunod na linggo, Enero 31.
Subalit hindi pa tiyak kung lahat ng state universities asin colleges ang makakabalik na sa in-person classes o mananatili na muna sa flexible learning.
Sa ngayon, nasa 14 SUCs pa lamang sa rehiyon ang nakapag-comply ng mga requirements para sa limited face-to-face classes.
Dapat na bakunado na ang mga estudyanteng at mga gurong lalahok, maging ang mga staff ng mga kolehiyo.
Ayon kay Viñas, umaabot pa lamang sa 54.83% ang mga estudyanteng fully-vaccinated na mababa pa sa target na 90%.
Kaugnay nito, wala namang problema para vaccination ng mga guro dahil nasa 94.40% na ang mga bakunado.
Samantala, sakaling itaas ulit ang alert level status sa isang lugar otomatikong ititigil ng lokal na pamahalaan ang in-person classes dahil prayoridad pa rin ang seguridad ng mga estudyante at guro.