-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief P/D/Gen. Oscar Albayalde na magkakaroon ng panibagong batch ng balasahan, matapos ipwesto sa mga bagong posisyon ang nasa 29 na matataas na opisyal epektibo noong June 1, 2018.

Ayon kay Albayalde, ang susunod na balasahan ay sa mga provincial at city directors.

Paliwanag ng PNP chief, ang performance ng mga kasalukuyang nakaupo ang magiging basehan ng kanilang pagkatanggal o pananatili sa pwesto.

Ayon pa kay Albayalde na under probation ang mga bagong itinalagang opisyal dahil isasailalim ang mga ito sa patuloy na evaluation at may isang buwan lamang para patunayan na karapat dapat sila sa pwesto.

Babala ni hepe ng pulisya, kapag hindi sila nag-perform ng mabuti, maaari din ang mga ito na ma-relieve sa pwesto.

Muling nilinaw ni Albayalde na ang pagkakatanggal sa pwesto sa ilang mga regional police directors ay desisyon PNP Command Group na pinag-aralan ng PNP oversight committee.