CENTRAL MINDANAO – Lubos ang pasasalamat ni Kabacan, Cotabato Mayor Herlo Guzman, Jr. matapos na patuloy na tinatangkilik ng mga Kabakeño ang bakuna kontra sa Coronavirus Disease (Covid-19).
Sa pinakahuling datos, abot na sa 10,299 na Kabakeño ang fully vaccinated habang nasa 12,657 naman ang tapos na sa first dose.
Dahil dito, abot na sa mahigit 22,000 dose ng bakuna ang naipamahagi sa mga Kabakeño.
Matatandaang nitong nagdaang weekend ay nagpatuloy ang pagbibigay ng bakuna sa publiko na kung saan lubos na pinilahan ang Pfizer vaccine.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Guzman sa mga BLGU sa pangunguna ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman.
Aniya naging matagumpay ang pagtangkilik ng publiko dahil na rin sa tulong ng mga opisyal ng mga Barangay.
Ipinaabot din nito ang pasasalamat sa RHU na kung saan walang piniling araw upang magsagawa ng pagbabakuna.
Samantala, inihayag naman ng RHU na hanggang bukas October 11, 2021 na lang ang natitirang Pfizer vaccine ngunit siniguro nito na magpapatuloy parin ang pagbabakuna dahil hindi lamang Pfizer Vaccine ang meron sa bayan.
Siniguro naman ng RHU na kanilang gagawin ang kanilanv makakaya upang muling mapagkalooban ng nasabing bakuna.