-- Advertisements --

Ibinunyag ng World Health Organizations (WHO) na naubos na ang mga bakuna sa mga mahihirap na bansa.

Wala nang sapat na doses ng mga bakuna upang ipagpatuloy ang vaccination program ng mga mahihirap na bansa na tumatanggap ng mga bakuna sa pamamagitan ng global sharing scheme.

Sinabi ni WHO senior adviser Dr Bruce Aylward, nasa 90 million doses ng bakuna na ang nai-deliver ng Covax programme patungo sa 131 bansa.

Ngunit sinabi niya na hindi ito sapat upang maprotektahan ang mga populasyon mula sa isang virus na kumakalat pa rin sa buong mundo.

Nararanasan ang mga kakulangan ng bakuna habang ang ilang mga bansa sa Africa ay nakakaranas din ng third wave ng impeksyon.

Nauna nang ipina-panawagan ni South African President Cyril Ramaphosa na itigil na ang vaccine hoarding ng mga mayayamang bansa dahil nahihirapan ang kanilang bansa na makakuha ng bakuna at patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Itinatag ang Covax noong nakaraang taon upang matiyak na ang bakuna kontra COVID-19 ay maipapamahagi sa buong mundo at ito ang magbibigay ng mga bakuna sa mga mahihirap na bansa.