Isang bagong subspecies o uri ng paru-paro ang natuklasan ng isang Pilipinong biologist habang paakyat sa bundok ng Mount Talinis, Negros Oriental.
Sa isang panayam sinabi ni Jade Aster T. Badon, na noong 2012 pa niya nadiskubre ang bagong uri ng paru-paro sa bahagi ng Lake Nailig, na crater lake malapit sa summit ng bulkan.
Nasa gitna raw ng research expedition si Badon, na isa ring instructor sa Silliman University, nang madiskubre ito.
Pero nitong 2019, sa isang wildlife conservation symposium sa Leyte lang niya nalaman na bagong subspecies ng Appias phoebe ang paru-parong nadiskubre.
Ayon kay Badon, natatangi sa South Negros ang paru-parong ito kumpara sa ibang subspecies na matatagpuan sa ibang bahagi ng bansa.
Ang Appia phoebe nyudai ssp. n. daw kasi ay may funnel-shaped cell end spot sa pakpak. Hindi tulad sa ssp. montana na pabilog ang hugis ng cell end spot.
Ipinangalan ni Badon ang bagong subspecies ng paru-paro kay Justin S. Nuyda, na isang pintor at isa sa mga Pilipinong unang nag-dokumento ng mga paru-paro sa bansa.
Ayon sa biologist, na presidente rin ng Philippine Lepidoptera Butterflies and Moths, Inc. ikinararangal niyang madiskubre ang subspecies na ito.
Lalo na’t bago pumanaw ang kanyang advisor sa graduate school ay nagpahayag ito ng suporta sa kanyang maaabot pa bilang biologist.
Si Badon ay nagtapos ng Bachelor of Science in Biology sa Silliman University. Noong 2013 gumraduate siya ng Master of Science in Entomology and Nematology sa University of Florida.
Nitong 2018 naman nang magtapos siya ng post-graduate degree na Doctor of Philosophy in Entomology and Nematology sa pareho ring unibersidad sa Amerika.