Hinihinala ng mga eksperto na isang undeclared nuclear facility ng North Korea ang nakita sa naglabasang sattelite imagery na posibleng ginagamit umano ng bansa upang gumawa ng nuclear warheads.
Ang nasabing litrato ay kuha ng Planet Labs at sinuri ng mga eksperto mula Middlebury Institute of Internationational studies kung saan nakita ng mga ito ang isang active facility na matatagpuan sa Wollo-ri malapit sa Pyongyang.
Ayon kay Jeffrey Lewis, propesor sa naturang institute, nakita umano nila ang lahat ng patunay na magsisilbing ebidensya na sa isang nuclear facility ang nasa satellite image. Mas lalo raw tumibay ang kanilang paniniwala na isa itong undeclared nuclear facility dahil nakatayo umano ito sa isang bottled water factory.
Dagdag pa ni Lewis, mayroon din daw labas pasok na kotse, truck at shipping containers sa naturang pasilidad.
Magugunita na natigil ang nuclear negotiation sa pagitan ng Washington at Pyongyang dahil sa pagpupumilit ng North Korea na isusuko lamang nila ang kanilang nuclear capability kung tatanggalin ng Amerika ang mga ipinataw nitong sanction laban sa bansa.