-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na naisagawa ng National Commission on Indigenous People- Cotabato Province ang halalan para sa bagong itatalagang Indigenous People Mandatory Representative sa Sangguniang Panlalawigan sa Carmen Municipal Gym, Carmen Cotabato.

Ang napiling bagong IPMR na si Timuey Arsenio Ampalid isang Erumanen Menuvu mula sa Brgy. Aroman, bayan ng Carmen ay tatayo bilang kinatawan ng IPs sa konseho.

Tinalo ni Ampalid ang kapwa nito nominado na sina Ronaldo Ambangan at Roldan Babelon na pawang mula pa rin sa naturang bayan.

Ang pagpili (selection process) ay isinagawa sa pamamagitan ng isang “panampayat” isang tradisyunal na pamamaraan ng katutubo sa pagpili ng kanilang bagong pinuno, ito ay nilahukan ng 24 na tribal leaders na siyang binigyan awtoridad ng komunidad na magrepresenta sa kanila sa pagpili ng bagong ihahalal na IP mandatory representative.

Ang aktibidad ay sinaksihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Government of Cotabato, Municipal Local Government Units, Municipal and Barangay IPMRs at kinatawan mula sa women and youth sectors.

Umaasa naman si Cotabato Governor Emmylou Taliño Mendoza na ang bagong halal na IPMR ay magsilbing tulay upang mas mabilis na maipaabot ang mga serbisyong nararapat para sa katutubo ng lalawigan na isa sa prayoridad ng kanyang pamunuan.