-- Advertisements --

Nakapagtala ang Cavite ng mahigit 1,000 daily COVID-19 infections sa loob ng dalawang araw sa kauna-unahang pagkakataon magmula nang magsimula ang pandemya, ayon sa OCTA.

Base sa monitoring report ng OCTA ngayong Agosto 13, nabatid na nakapagtala ng 1,084 cases ang probinsya noong Agosto 11 at 1,019 cases naman noong Agosto 12, na mas mataas kaysa single-day high na 994 cases noong Abril 9, 2021.

Nakitaan din nang pagtaas sa reproduction number o infection rate ang Cavite sa 1.83 mula sa 1.76 noong nakaraang linggo.

Ayon sa OCTA, maging ang Laguna ay nakapagtala rin ng pagtaas sa kanilang mga COVID-19 cases.

Noong Agosto 11, umabot sa 790 cases ang naitala, mas mataas kaysa single-day high ng 663 cases noong Abril 2.

Katulad ng Cavite, tumaas din ang reproduction number sa Laguna mula sa 1.46 ay umakyat na sa ngayon sa 1.61.