CAGAYAN DE ORO CITY – Agad hinamon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang bagong talaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na si Francisco ‘Kiko’ Laurel Jr bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na agad kumilos para maisalba ang lalong humina na sektor ng agrikultura ng bansa.
Ito ang tugon ni KMU chairman Danilo Ramos kaugnay sa binitawan na pangako ng fishing tycoon na si Laurel kasunod sa ibinigay na tiwala at kumpiyansa ni Marcos sa kanya na pangungunahan ang buong sektor ng agrikultura.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inhiayag ni Ramos na dapat magpatupad ng ‘radical actions’ ang liderato ni Laurel katulad sa pagpapalakas ng rice local production at hindi palaging importasyon.
Dagdag nito na kailangan mabigyang katuparan na rin ang matagal na nila na isinulong na production subsidy para sa halos tatlong milyong magsasaka at mga mangingisda upang makaahon sa sobrang hirap na dinaranas sa kasalukuyang sitwasyon.
Magugunitang iginiit ni Marcos na karapat-dapat umano sa poder si Laurel dahil kaya nitong tumbukin ang mga suliranin na kinaharap ng ahensiya at hanapan ng mga solusyon.
Napaulat na si Laurel ang isa sa mga pinakamalaking campaign funds contributor ni Marcos noong kasagsagan ng 2022 presidential elections sa bansa.