-- Advertisements --

teresa

Pormal ng na-komisyon sa serbisyo ang BRP Teresa Magbanua ang 97-meter multi-role response vessel (MRRV-9701), ang una sa dalawang pinakamalalaking vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) na karagdagang maritime asset ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang commissioning ceremony sa Pier 15 sa Port Area, Manila.

Ayon kay DOTr Sec. Art Tugade, maganda, kaaya-aya at pwedeng ipagmalaki ang pinakabago at pinakamalaking barko ng PCG sa kasalukuyan, ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701).

Ang nasabing barko ay ginawa ng Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd. na naka-modelo sa Kunigami-class vessel ng Japan Coast Guard (JCG).

Kaya naman sinuportahan din nina Japanese Ambassador to the Philippines, His Excellency Kazuhiko Koshikawa at Chief Representative Takema Sakamoto ng Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines ang naturang seremonya.

Nakibahagi rin dito ang pamilya ni Teresa Magbanua na kilala bilang “Visayan Joan of Arc.”

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu, darating sa bansa ang ikalawang 97-meter MRRV sa susunod na buwan, June 2022.

Sa oras na ma-komisyon sa serbisyo, tatawagin itong BRP Melchora Aquino (MRRV-9702).

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Komandante ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at DOTr Secretary Tugade sa kanilang pagpapaigting sa pwersa at kakayanan ng PCG.

Dagdag pa ni Admiral Abu sa ngayon maituturing na strong, capable and reliable uniformed, armed, sea going ang Coast Guard.

Ang dalawang barkong ito – pinakamalalaking assets ng Coast Guard Fleet – ay bahagi ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase 2 (MSCIP II) ng DOTr tungo sa tuluy-tuloy at progresibong modernisasyon ng PCG.