-- Advertisements --

Sisilipin na rin ng Department of Justice (DoJ) ang alegasyon ng posibleng kurapsiyon sa budget sa pagkain ng mga inmates sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, agad niyang paiimbestigahan ang sinasabing anomalya sa paglalaan ng pondo sa catering ng pagkain ng nasa nakakulong sa Correctional Institution for Women na nasa 3,200.

Una rito, lumutang ang isyu ng caterer sa CIW na si Angie Bautista at isiniwalat nito na ang budget para sa mga inmates ng Corretional noong 2017 ay P70 dapat kada bilango para sa buong araw pero ang natatanggap niyang bayad ay P39 lamang.

Dahil dito, sinabi ng kalihim na maaring ang isyu sa ngayon dito ay nasa aspetong administratibo o nasa pamamalakad mismo ng CIW.

Kinuwestiyon ngayon ng abogado ni Bautista na si Atty. Aaron Pedrosa kung saan napupunta ang natitirang P31 mula sa itinakda ng Kongreso na P70 kada araw na budget sa pagkain.

Bukod sa obligado si Bautista na pakainin nang libre ang may 20 opisyal ng CIW, binabawasan pa aniya siya ng buwis.

Nauna na ring naungkat sa pagdinig ng Senado ang anomalya naman sa catering ng mga inmates ng Bilibid kung saan tumatanggap umano ang BuCor Director ng P800,000 kada buwan.