-- Advertisements --

Posibleng maging hamon umano ang background sa law enforcement ni Senador Ronald dela Rosa sa pagsisilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

Ginawa ng NBI Chief ang pahayag sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes, Mayo 22, kasunod ng pag-otorisa ng Department of Justice (DOJ) sa law enforcement agencies kabilang ang Philippine National Police at NBI para isilbi ang warrant sa senador.

Ayon kay Matibag, ang karanasan ni dela Rosa sa law enforcement ay nagbibigay sa kaniya ng bentahe sa nakaambang police operations laban sa kaniya.

Matatandaang si dela Rosa ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sinagtala” Class of 1986, at dati ring nagsilbi bilang hepe ng pambansang pulisya sa ilalim ng Duterte administration.

Sa kabila naman nito, kumpiyansa si Matibag na madarakip din kalaunan ng law enforcement agencies ang senador na itinuturing ng isang pugante.

Aniya, hindi na makakatas kailanman ang senador sa kamay ng batas.

Sa ngayon, ayon sa NBI Director, walang indikasyon na nakaalis na ng bansa si dela Rosa.