-- Advertisements --
Screenshot 2020 08 01 10 52 30

LEGAZPI CITY- Inaalam pa sa ngayon ang pagkakakilanlan ng isang babaeng napaslang sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Daganas, Bulan, Sorsogon.

Batay sa impormasyon mula sa Philippine Army, nagpapatrolya ang pinag-isang pwersa ng 22nd Infantry Battalion (22IB) at 31st Infantry Battalion (31IB) matapos na makatanggap ng tip na may presensiya ng armadong grupo sa lugar.

Habang nasa security operations, nakasagupa nito ang 40 kasapi ng Komiteng Probinsya 3 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) sa ilalim ng pamumuno ni Arnel Estiller alyas “Mando.”

Tumagal ng 45 minuto ang palitan ng putok kung saan tinamaan at nasawi ang isang babaeng kinumpirma ng mga militar na kasapi ng NPA.

Nakumpiska naman mula sa encounter site ang M60 machine gun, M16 rifle, anti-personnel mine, cellphone, mga bala, electric wire, propaganda materials at iba pang personal na gamit.

Samantala, inatasan na rin ni Major Gen. Henry Robinson Jr ang tropa na tuloy-tuloy ang mas pinalakas na military operations sa lugar upang mahuli ang mga tumakas na rebelde.