-- Advertisements --

CEBU – Patay matapos magbaril umano sa kanyang sarili ang isang police officer sa loob ng comfort room ng Regional Police Drug Enforcement Unit Office pasado alas-9:00 kagabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, kinitil ni Police Staff Sergeant Celso Colita ang kanyang buhay gamit ang .45 caliber na baril.

Nangyari ang insidente ilang oras matapos binaril ang isang babae sa Barangay Basak-Pardo, Lungsod ng Cebu. Kinilala ang biktima na si Ritchie Nepomuceno, 35-anyos.

Si Nepomuceno ay dumulog sa Integrity Monitoring and Enhancement Group-Visayas dahil sa reklamong rape at robbery laban kay Police Staff Sergeant Colita at ng 10 pang pulis ng Sawang Calero Police Station.

Iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa mga pangyayari kabilang na ang pagkilala ng suspek na bumaril kay Nepomuceno.

Kung maaalala, maliban sa rape laban kay Colita, inireklamo rin ito at ang iba pang kasamahan ng extortion at grave threat matapos hindi idinaan sa tamang proseso ang pagdakip kay Nepomuceno.

Batay sa alegasyon noon ni Nepomuceno, nagsagawa ng search operation for firearms si Colita at ang 10 kasamahan nito sa kanyang bahay sa Tungkil, Minglanilla na walang ipinakitang mga dokumento.

Sa isinagawang operasyon, walang nakitang baril ngunit kinuha raw ng mga operatiba ang ilan sa mga kagamitan na pagmamay-ari ni Nepomuceno kabilang na ang bag at ATM card. Kasunod nito ay sinasabing dinala si Nepomuceno sa Sawang Calero Police Station madaling araw noong Marso 10 nitong taon at doon iligal na kinulong.

Dagdag pa ng compalinant, dalawang beses itong ni-rape ni Colita at hiningan pa raw ng pera na aabot sa P170,000.

Kaugnay nito, na-relieved sa puwesto si Colita at ang 10 pulis at inilagay sa Police Regional Office Holding Area Unit at noong Marso 30 kung saan sinampahan ng criminal charges sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office.