VIGAN CITY – Nakahanda umano ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na magbigay ng ayudang kailangan ng pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na taga-Bantay, Ilocos Sur, na namatay sa Saudi Arabia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni OWWA-Region 1 Family Welfare Officer Virna Agbayani na gagawin nila ang lahat ng kanilang maitutulong sa pag-uwi ng bangkay ng OFW na si Maribel Patubo sa lalawigan partikular na sa Barangay Quimmarayan, Bantay.

Kahapon ng umaga nang makumpirmang nasawi si Patubo na na-comatose matapos maoperahan nang dalhin ng kaniyang mga amo sa Al Rass General Hospital.

Sa ngayon, hindi pa malinaw sa mister ng biktima na si Joseph Patubo kung ano ang tunay na nangyari sa asawa nito bagama’t sinasabing nahulog ito sa loob ng pinagsisilbihang bahay kaya dumanas ng brain aneurysm.

Naulila ng biktima ang kaniyang asawa at dalawang anak na edad anim at siyam na taong gulang.

Maliban sa OWWA, nilalapitan na rin ng pamilya ng biktima ang opisina ng Department of Foreign Affairs para sa repatriation ng bangkay nito sa bansa.