NAGA CITY- Arestado ang isang katao habang nakatakas naman ang AWOL na pulis na umano’y nagpakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa entrapment operation ng mga otoridad sa lungsod ng Naga.
Kinilala ang naaresto na si Dante Gallarte habang pinaghahanap na ang AWOL PNP personnel na si Rodel Antonio.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Van Layosa, Naga City Police Office (NCPO)-Station 4, sinabi nitong nagpakilala si Antonio sa biktimang si Joana Marie Martija muna sa isang Non-Government Organization (NGO) na miembro ng rebeldeng grupo at humihingi ng P75,000.
Ayon kay Layosa, hinold ng suspek ang biktima at inutusan itong makipag-ugnayan sa katrabaho nito para makakuha ng hinihinging halaga.
Ngunit nang mga oras na kukunin na ng suspek ang pera, biglang dumating ang mga pulis at naabutan ng mga ito ang biktima at ang kasamahan ni Antonio habang nakatakas naman ang dating alagad ng batas.
Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo sa nahuling suspek, pinabulananan nito ang naturang krimen at sinabing nadamay lamang siya matapos makisakay sa kanyang motorsiklo.
Sa ngayon, hinahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek habang pinaghahanap na rin si Antonio na sinasabing nag-AWOL sa serbisyo matapos masangkot din sa iligal na gawain.