BACOLOD CITY – Nauwi sa lungkot ang pagtitipon ng magkakamag-anak sa Murcia, Negros Occidental, matapos mag-away ang magkapatid na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa habang dalawa rin ang sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Robert Indiape, hepe ng Murcia Municipal Police Station, umiinom kagabi ang magkapatid na sina Windro, 58; at Dennis Berganio, 52, ng Barangay Buenavista.

Nagwala umano ang kuya na si Windro at kanyang tinaga ang kapatid na si Dennis na agad namang gumanti.

Dahil nakita ng kani-kanilang mga anak ang nangyari, pumagitna ang 28-anyos na anak ni Windro na si Wilfredo at inawat din ni Daniel ang kanyang ama na si Dennis.

Nagtamo ng maraming sugat ang mag-amang Windro at Wilfredo na nagresulta sa kanilang pagkamatay, habang ginagamot naman sa ospital sina Dennis at ang kanyang anak.

Inaalam pa ng mga pulis kung sino ang bumaril sa mga napatay dahil maliban sa taga, may tama rin ng bala ang kanilang katawan.