Iniimbestigahan ng Australian police ang isang 71-anyos na lalaki dahil sa umano’y pananakit sa isang photographer sa Sydney noong madaling araw ng Martes.
Kinilala ng nag-akusa ang lalaki bilang ama umano ni Taylor Swift.
Iniulat sa pulisya na ang isang 71-anyos na lalaki ay umano’y nanakit sa isang 51-anyos na lalaki sa Neutral Bay Wharf bandang 2:30 am, bago ito umalis sa lokasyon, ayon sa tagapagsalita ng pulisya na si Alicia McCumstie.
Inihayag ng sinasabing biktima, na si Ben McDonald, sa AFP na ang lalaki ay ang ama ni Swift, na si Scott Swift.
Ayon kay McDonald, kinukunan niya ng litrato ang US pop icon sa isang “super yacht” sa Sydney Harbour matapos ang huli nitong apat na gig sa lungsod.
Pero hinarangan umano siya ng payong sa mukha ng mga security ni Swift para pigilan siya sa pagkuha ng mga litrato.
Pagkaalis ni Taylor Swift, sinabi ni McDonald na kinompronta siya ng Ama nito at sinuntok siya sa mukha.
Si Taylor Swift ay kasalukuyang nasa gitna ng kanyang worldwide blockbuster Eras Tour.
Pupunta siya sa Singapore ngayong linggo para sa susunod na highest-grossing musical tour of all time na mahigit $1 bilyon, ayon sa Pollstar.