BUTUAN CITY – Itinuturing ni Denmark Suede, Bombo International correspondent to Australia, isang malaking kontrobersiya ang pagkakasama ng Australian na si Kate Gibson sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinahaharap nito sa International Criminal Court o ICC.
Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court Registry ang pagtatalaga sa Australian lawyer bilang associate counsel ni Duterte sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay Suede, bilang isang babae, dapat sana isinaalang-alang umano ng abogado ang kalagayan ng mga kabataang naging biktima ng kampanya ng giyera kontra droga ng dating pangulo.
Ibinahagi rin niya na hindi gaanong kilala ang naturang abogada sa Australia kahit 21 taon na itong nagpa-practice bilang international lawyer ngunit mas kilala umano ito abroad lalo na’t nakabase siya sa Bangkok, Thailand.
Gayunman, inamin ni Suede na matalino ang naturang abogada, lalo na’t naging school captain ito noong nag-aaral pa sa Australia, na nangangahulugang isa siya sa pinakamahuhusay sa kanilang klase.
















