Binigyang-diin ng Australia ang pangangailangan para sa isang matatag at maunlad na rehiyon kung saan sinusunod ang mga patakaran sa gitna ng tumataas na tension sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Australian Foreign Minister Penny Wong, na nais nila ng rehiyon na may matatag na pamantayan ukol sa nasabing issue sa pinagtatalunang karagatan.
Ito ang kanyang tugon nang tanungin tungkol sa magkasalungat na pag-angkin sa West Ph Sea.
Ang Australia, kasama ang Estados Unidos at Japan, ay nagpahayag ng suporta para sa Maynila matapos ang isang insidente noong unang bahagi ng taon na kinasasangkutan ng isang Chinese vessel na umano’y nagtutok ng military grade laser sa isang bangka ng Pilipinas malapit sa Ayungin Shoal.
Noong nakaraang buwan, hinarang din ng isang barko ng Chinese coast guard ang isang barko ng Pilipinas na nasa sovereignty patrol malapit sa Ayungin na nagdulot ng muntik na banggaan sa gitna ng lalong agresibong pagkilos ng Beijing.
Bago ito, kinumpirma ng opisyal ang pag-uusap sa posibleng joint patrols ng Australia at Pilipinas sa West Philippine Sea.