-- Advertisements --

Hinamon ni House private prosecutor Lorna Kapunan ang defense panel na huwag nang kontrahin ang hinihiling ng mga prosecutor na subpoena para sa tax at bank records ni Vice President Sara Duterte.

Binalikan ni Kapunan ang palaging pahayag ng panel na walang ebidensiya para suportahan ang mga alegasyon laban sa pangalawang pangulo.

Sa isang panayam, sinabi ni Kapunan na paulit-ulit na lang na sinasabi ng defense na walang ebidensiyang hawak ang House panel kahit pa noong nagkakaroon ng serye ng pagdinig ang House Justice Committee.

Ngayong magprepresenta na ang House panel ng mga ebidenisya, sasadyain naman aniyang kontrahin ng defense ang kanilang legal na hakbang.

Tinukoy din ng batikang abogado ang pagsasabi noon ni VP Sara na kaniyang sasagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya sa impeachment court.

Sa halip na gawin ito ng defense team, pinipilit aniya nilang harangin ang hakbang ng prosecution na ipresenta ang lahat ng hawak na ebidensiya, sa mismong impeachment court.

Hamon ng abogado sa kabilang kampo, ang korte na ang tamang forum para ipresenta ng defense ang kanilang sariling ebidensiya, tulad ng una nilang sinasabi noon.

Ito na rin ang tamang panahon aniya upang sagutin ni VP Sara ang lahat ng alegasyon para patunayan kung siya ay inosente.