Isinailalim sa leave sina Ateneo Blue Eagles men’s basketball team Head Coach Tab Baldwin at Team Manager Christopher “Epok” Quimpo habang isinasagawa ng Ateneo de Manila University (ADMU) ang fact-finding inquiry kaugnay ng pagkalunod ng kanilang mga manlalaro na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Ito ang inanunsyo ni ADMU President Fr. Roberto C. Yap, SJ sa isang pahayag na inilabas nitong Huwebes, Hunyo 11, kasunod ng direktiba ng Board of Trustees na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga pangyayaring nauwi sa pagkamatay ng dalawang atleta.
Ayon kay Yap, layunin ng pansamantalang pagliban nina Baldwin at Quimpo na mapanatili ang integridad, kalayaan, at pagiging patas ng isinasagawang fact-finding inquiry.
“To preserve the total integrity, independence, and fairness of this investigation—and to ensure all participants can cooperate freely without any actual or perceived pressure—Head Coach Thomas Anthony ‘Tab’ Baldwin and Team Manager Christopher ‘Epok’ Quimpo have gone on leave for the duration of the inquiry,” pahayag ni Yap.
Binigyang-diin din ng opisyal na buong pakikipagtulungan ang ibinibigay ng pamantasan sa mga awtoridad at mga kinauukulang ahensya na nagsasagawa ng kani-kanilang imbestigasyon sa insidente.
“The University is cooperating fully, transparently, and without reservation with all investigations being undertaken by national authorities and competent regulatory bodies,” dagdag niya.
Humiling rin si Yap ng patuloy na panalangin mula sa publiko para sa paglilinaw sa nangyaring trahedya at para sa mga pamilya ng mga nasawing atleta.
“We ask our community for their continued prayers as we navigate this dark chapter,” aniya.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ng Ateneo de Manila University noong Hunyo 8 ang pagpanaw nina Baterbonia at Adili matapos silang malunod sa isinagawang team-building activity sa Aurora.











