Inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng kasong homicide at reckless imprudence resulting in homicide laban sa dating head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin at iba pang indibidwal.
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nito noong Hulyo 1, 2026 ang supplemental referral mula sa CIDG kaugnay ng parehong kaso.
Ituturing ang naturang supplemental referral bilang bahagi ng naunang referral ng CIDG noong Hunyo 26, na kasalukuyang sinusuri pa rin.
Nauna nang inirekomenda ng CIDG ang pagsasampa ng reklamo laban kay Baldwin at 11 iba pa para sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act, kabilang ang ilang student managers at utility staff.
Sa hiwalay na pagdinig ng Department of Labor and Employment (DOLE), inamin ni Baldwin na wala siyang Alien Employment Permit (AEP) sa kabila ng kaniyang pagtatrabaho bilang basketball coach sa Pilipinas mula pa noong 2013.
Ayon sa kaniya, wala siyang naturang dokumento, bagaman nakatanggap umano siya noong 2015 ng isang email na naglalaman ng partially filled-out AEP application form.
Ginawa ng dating coach ang pahayag sa clarificatory hearing kaugnay ng kaniyang employment status matapos ang pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Samantala, ilang dating manlalaro ng Ateneo men’s basketball team ang nagpasinungaling sa pahayag ni Baldwin na walang naganap na insidente ng pagkalunod o “drowning scare” sa mga nakaraang team activities.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), lumabas sa imbestigasyon na may mga naunang insidente rin na muntik nang mauwi sa trahedya ang ilang team-building activity noong 2016 sa Dipaculao, Aurora, batay sa salaysay ng ilang dating manlalaro.














