Ihahain ng Spain sa European Union (EU) ang panukalang wakasan na ang Association Agreement nito sa Israel dahil sa umano’y paglabag sa international law, ayon kay Spanish Prime Minister Pedro Sánchez.
Sa political rally sa Andalusia, sinabi ni Sánchez na isusumite ng kanyang gobyerno sa EU ang panukala sa darating na Martes.
Binigyang-diin niya na ang hakbang ay hindi laban sa Israeli citizen, kundi sa mga aksyon ng kanilang pamahalaan.
Nanawagan din siya sa iba pang bansa sa EU na suportahan ang panukala.
Ang EU–Israel Association Agreement, na ipinatupad noong 2000, ang nagsisilbing balangkas sa kalakalan at kooperasyon ng Israel sa pagitan ng EU, ngunit maaari itong mawala kung ang isang bansa ay lalabag sa human rights.
Sa kabilang dako, bumuwelta naman si Israeli Foreign Ministry Gideon Sa’ar at itinanggi ang akusasyon ng Espanya, dahil sa umano’y pagiging “hypocritical,” kabilang ang pagbanggit sa relasyon nito sa ibang mga bansa tulad ng Turkey at Venezuela.
Samantala, ang hakbang ng Spain ay inaasahang tatalakayin sa susunod na pagpupulong ng EU foreign ministers, kung saan hati ang posisyon ng mga miyembrong bansa.










