Naghain ng resolusyon si Senate Committee on Energy Chairperson Sen. Erwin Tulfo na layong imbestigahan ang patuloy na pagataas ng singil sa kuryente sa bansa.
Ayon kay Tulfo, layunin ng resolusyon na alamin ang ugat ng paulit-ulit na biglaang pagtaas ng electric bills at makabuo ng mga polisiyang magbibigay ng pangmatagalang proteksyon sa mga konsyumer.
Tinukoy ng senador ang dumaraming reklamo ng publiko kaugnay ng mataas na singil sa kuryente, komplikadong billing statements, maling pagbabasa ng metro, at madalas na power interruptions.
Kinuwestiyon din ni Tulfo kung wala na umanong magagawa ang gobyerno laban sa mga electric cooperative na hindi na umano nagbibigay ng maayos na serbisyo.
Binigyang-diin ng senador na bagama’t may karapatan ang mga electric distribution utility at generation companies na mabawi ang kanilang lehitimong gastusin upang mapanatili ang serbisyo, may karapatan din ang mga konsyumer sa patas, malinaw, tumpak, at makatuwirang singil sa kuryente, gayundin sa mabilis na pagresolba sa kanilang mga reklamo.
Iginiit din ni Tulfo na nananatiling pinakamataas ang presyo ng
kuryente sa Southeast Asia kaya hindi dapat hayaan na mga mamamayan lamang ang patuloy na magdala ng mabigat na pasanin habang hindi naman tumataas ang kanilang kita.
Bilang chairman ng Senate Committee on Energy, nangako si Tulfo na magiging maagap ang komite sa paghahanap ng mga hakbang upang mapababa at gawing mas abot-kaya ang presyo ng kuryente para sa mga Pilipino.
Ayon pa sa senador, sa kasalukuyang panahon ay dapat ituring na karapatan at hindi luho ang pagkakaroon ng kuryente, kaya nararapat lamang na makatanggap ang bawat Pilipino ng patas na singil at maayos na serbisyo.
















