Ashleigh Barty (file photo)

MIAMI – Nasungkit ni Ashleigh Barty ang pinakamalaki nitong singles title sa kanyang career nang magreyna ito kontra kay Czech seventh seed Karolina Pliskova sa WTA Miami Open.

Isang tennis masterclass ang ipinamalas ng 22-year-old Australian upang biguin si Pliskova sa straight sets, 7-6(1), 6-3, sa loob ng 99 minuto sa Stadium Court.

Nagpakawala ng career-high na 15 aces si Barty upang magwagi sa final, para idagdag na rin ang kanyang ikaapat na WTA singles crown sa kanyang mga tagumpay sa 2017 Malaysian Open; at sa Nottingham at Zhuhai, China noong nakalipas na taon.

Dahil dito, nakausad na sa Top 10 si Barty, na kauna-unahang Australian na makagawa nito mula kay Sam Stosur noong 2013.

“It has been a phenomenal two weeks,” wika ni Barty.

Bukod sa tropeyo, inuwi rin ni Barty ang top prize na $US1.3 million.