Naitala ang kaso ng African Swine Fever sa tatlong bayan ng Southern Leyte.
May kabuuang 489 na mga baboy ang pinatay habang ang provincial government ay naghanda naman ng P4-million indemnification para sa mga apektadong hog growers.
Sa Malitbog, 448 na baboy na pag-aari ng 48 growers sa tatlong barangay ang na-culled habang P2-million indemnification fund ang inilaan sa kanila.
Samantala, sa Bontoc, tatlong barangay din ang naapektuhan base sa isinasagawang validation.
Sa kamakailang pagpupulong ng provincial ASF executive committee, nagdesisyon itong palakasin at paigtingin ang mga checkpoint ng African Swine Fever sa mga highway at daungan sa Liloan at Padre Burgos.
Napagkasunduan din na magkaroon ng lingguhang monitoring ng mga baboy sa bawat barangay ng mga deputized biosecurity officers.
Noong nakaraang taon, mahigit 400 hog raisers ang naapektuhan ng ASF sa 13 munisipalidad at isang lungsod sa lalawigan.
Higit sa 2,000 baboy sa loob ng 500-meter radius ang pinatay para maiwasan ang pagkalat ng sakit.