LEGAZPI CITY – Masusing pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) Bicol ang naobserbahang “downtrend” sa kaso ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon.
Ayon kay DA Bicol information officer Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa pagpasok ng 2021 bumaba ang mga nakakapagtala ng ASF outbreak sa rehiyon mula sa 73 cases noong Enero, 47 cases para sa Pebrero, 10 sa Marso at tatlo na lamang nitong Abril.
Kasalukuyan na ring inihahanda ng tanggapan ang mga requirements na kailangang ma-comply para maideklara na ang ilang lugar bilang “pink zones” o buffer zone.
Umabot na umano kasi sa 90 days na walang naitatalang bagong kumpirmadong kaso ng ASF sa mga naturang lugar.
Samantala, dalawang beses munang magsasagawa ng environmental swabbing sa pagtukoy kung may traces pa ng virus at sakaling magnegatibo, saka na lalagyan ng sentinel pigs.
Napag-alaman na sa 114 bayan at lungsod sa Bicol na binabantayan, 63 sa mga ito ang naapektuhan ng ASF.
Sa kabila nito, may mga “free zones” pa rin naman sa rehiyon kagaya na lamang ng ilang lugar sa Masbate na mabilis na nakontrol ang virus.