Nangako ang mga member states ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palalakasin ang immunization sa rehiyon sa pamamagitan ng isang declaration na inilabas kahapon sa kanilang taunang summit.
Sinabi ng mga bansang bahagi ng ASEAN, na kinikilala nila ang “overwhelming evidence” na nagpapakita ng benepisyong ipinagkakaloob ng immunization bilang isa na rin sa mga pinakamatagumpay at cost-effective health interventions.
“Vaccines have saved countless lives, eradicated smallpox, lowered the global incidence of polio by 99 percent and reduced illness, disability and death from vaccine-preventable diseases (VPDs),” saad ng ASEAN member states.
Kaugnay nito, nananawagan ang 10 bansang kabahagi ng ASEAN sa pagkakaroon ng regional collaboration kasabay ng babala na sa oras na magkaroon ng shortage sa bakuna kahit panandalian lamang, ay maaring magresulta sa pagkalat ng mga sakit.
Dahil dito, hinihimok ng ASEAN ang mga member states nito na palakasin ang kooperasyon at mga hakbang sa pamamagitan ng “capacity building and training, sharing of best practices” at iba pang developmental actions.
Umapela rin ito sa mga intergovernmental agencies, regional organizations, experts at iba pang mga stakeholders, na suportahan ang ASEAN vaccine security at self-reliance.
Nabatid na sa Pilipinas lamang, bumulusok sa 40% noong nakaraang taon ang immunization coverage, mula sa 70% sa mga nakalipas na taon dahil na rin sa hindi pagtitiwala ng publiko bunsod ng iskandalo sa anti-dengue vaccine.















