-- Advertisements --

Mananatili si dating Negros Oriental Congresman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City hanggang sa kaniyang nakatakdang arraignment.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano, wala pa silang natatanggap sa ngayon na order mula sa korte para sa naka-schedule na arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay Teves.

Kayat hangga’t wala pa aniyang iniisyung order ang korte mananatiling nakakulong ang dating mmbabatas sa naturang NBI facility.

Gayundin pinag-aaralan pa ng Prosecutor General sa pakikipag-konsulta sa mga prosecutor na may hawak sa kaso ni Teves ang posibleng consolidation o pag-isahin at ilipat ang patung-patong na kasong inihain laban sa dating mambabatas mula sa probinsiya patungo sa Maynila saka aniya sila maghahain ng kaukulang mga mosyon sa korte.

Kasalukuyan ngang humaharap si Teves sa patung-patong na kasong murder sa Manila Regional Trial Court Branch 12, Branch 15 at sa Bayawan RTC Branch 63.

Nahaharap din si Teves sa mga kaso ng illegal possession of firearms at explosives sa Manila RTC Branch 12; paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na inihain sa Quezon City RTC Branch 77; at isa pang kaso ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sa Quezon City RTC Branch 77.