Ipinagpaliban ng Senado ang approval sa panukalang P1.61-billion budget ng Office of the Solicitor General (OSG) para sa susunod na taon.
Bigo ang representatives ng OSG na ipaliwanag ang iba’t-ibang issues na binungkal ng mga senador. Tulad ng mas mataas na alokasyon ng tanggapan para sa foreign travels at hiwalay na confidential funds.
Sa ilalim kasi ng budget proposal ng opisina, aabot sa P21.499-million ang alokasyon para sa foreign travels. Ang higit 80% daw nito ay nakalaan para sa mga biyahe sa ibang bansa.
Tanong tuloy ni Sen. Francis Tolentino, bakit kailangan maglaan ng OSG na malaking budget para sa mga biyahe ngayong may hinaharap na pandemic ang buong mundo.
“Kasagsagan pa next year ng COVID-19. Saan naman kayo mag-fo-foreign travel? Hindi ko alam kung saan kayo magta-travel,” ani Tolentino.
Pagdating naman sa confidential funds, iginiit ng senador na walang mandato ang tanggapan ng Solicitor General na mabigyan ng alokasyon sa naturang pondo.
Ayon kay Tolentino, maaari lang bigyan ng confidential funds ang mga opisina na may mga programa sa national security at peace order, bagay na wala raw sa mandato ng OSG.
“Apparently your confidential funds…it’s now hovering the baseline of P20 million for next fiscal year… I don’t see any program on how national security and peace and order would fit in the OSG budget so dito tayo nagkakaroon ng disconnect.”
Kinuwestyon din ng mambabatas kung bakit si Solicitor General Jose Calida ang highest paid government official.
Hindi nakadalo sa budget hearing si Calida dahil umano sa payo ng kanyang doktor, pero paliwanag ni Asst. Solicitor General Henry Angeles, otorisado ang OSG na makatanggap ng allowances mula sa aniya’y client agencies.
Pero sagot ni Tolentino, malinaw ang nakasaad sa isang Commission on Audit circular na hindi pwedeng lumampas sa kalahati ng kanilang sahod ang allowance ng isang pampublikong opisyal.
“There is a COA circular which states that allowances should not exceed 50 percent of the annual salary, and apparently there is a disconnect here. COA has been asking you not to raise that more than 50 percent and apparently the solicitor general has defied the COA memorandum,” giit ng mambabatas.
Sinabon din ng senador ang OSG dahil sa umano’y paglabag nito sa mandato nang magsagawa rin ng mga preliminary investigation at fact-finding activities.
Nanindigan ang Senate Committee on Finance na hindi nila aaprubahan ang panukalang pondo ng OSG hangga’t hindi nito naipapasa ang mga hinihinging dokumento bilang depensa sa kanilang hiling na mas malaking budget.