-- Advertisements --

Ibinahagi ng isa sa mga apo sa ikaanim na salinlahi ni Dr. Jose Rizal sa panayam ng Star FM Cebu na nais niyang personal na mapuntahan ang mga monumento ng kaniyang “Lolo Pepe.”

Ipinahayag ni Maxine Cruz, mula sa bloodline ng kapatid ni Rizal na si Maria, na bahagi ng kanyang bucket list ang paglibot sa lahat ng istruktura ng pagkilala sa pambansang bayani sa buong Pilipinas.

Nabatid na hindi lamang mga rebulto ang simbolo ng pagdakila kay Rizal, dahil sa Daet, Camarines Norte pa lang (na siyang first Rizal monument) ay makikita na ang kakaibang disenyo ng monumento.

Ito ay tatlong-palapag na batong estruktura na may hugis kubo sa ilalim, tatluhang panig sa gitna, at pyramid na patulis sa itaas.

Kabilang din sa kanyang plano ang pagbisita sa malalaki at maliliit na estatwa ni Rizal sa iba’t ibang lalawigan. Batay sa datos ng National Historical Commission of the Philippines, may mahigit 100 monumento at estatwa ni Rizal na nakatayo sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang bantog na monumento sa Luneta, Calamba, at Zamboanga.

Ayon kay Cruz, ngayong ika-165 kaarawan ng kaniyang lolo ang kanyang plano ay hindi lamang paglalakbay kundi isang paraan ng pagbibigay-pugay sa alaala ng kanyang dakilang ninuno at pagpapalalim ng kaalaman ng kabataan sa kasaysayan ng bansa.