Nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na hindi nila tuluyang ihihinto ang pagtanggap sa mga aplikasyon ng medical financial assistance.
Ito’y matapos na maiulat na may nagtangkang manghuthot ng pera sa ahensya gamit ang mga kahina-hinalang medical documents.
Ayon kay Pagcor Vice Pres. for Corporate Social Responsibility Jimmy Bondoc, lilimitahan na lang nila ang pangtanggap sa mga aplikasyong may referral letter.
Lalo na kung galing umano ang ito sa mga tanggapan ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Kamakailan nang maaresto sa Maynila ang mag-asawang sina Agustin at Corazon Rebolledo na gumagamit umano ng mga pekeng pangalan at sakit para makakuha ng financial assistance mula sa Pagcor.
Nahaharap ang mga ito sa kasong falsification of individuals, documents and certificates.
Sa ilalim kasi ng mandato ng Pagcor, responsibilidad nitong magbahagi ng pondo sa socio-civic at national development programs galing sa kita ng regulated gaming operations.