-- Advertisements --
image 94

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy pa rin ng gobyerno ng Pilipinas ang paghimok sa Indonesian government para magawaran ng pardon ang Pinay worker na nasa death row na si Mary Jane Veloso.

Ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag kasabay kaniyang dalawang araw na state visit sa Indonesia para dumalo sa ika-42 ASEAN Summit mula Mayo 10 -11.

Sinabi pa ng Punong ehekutibo na sinabi ng Indonesian government na ito ang kanilang batas at kailangang ipatupad subalit hindi aniya ito nangangahulugan na tapos na ito at umaasa pa rin na ito ay magbabago.

Kung matatandaan, sa unang state visist ni Pang. Marcos sa Indonesia noong Setyembre noong nakalipas na taon, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na pormal na nag-request ito sa kaniyang counterpart na maigawad ang executive clemency kay Veloso.

Magugunita na na-convict si Veloso sa drug trafficking at nasentensiyahan ng kamatayan noong 2015 matapos na madiskubre ng mga awtoridad ang 2.6 kilograms ng heorin na nakasilid sa lining ng kaniyang bagahe noong 2010.

Naghain ng not guilty plea si Veloso at sinabi nito sa korte na ang bagaheng ginamit niy ay ibinigay lamang ng kaniyang recruiters na tinukoy nitong sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.