DAGUPAN CITY – Ipinagbabawal na ang kahit anumang uri ng sugal sa mga lamay sa Villasis, Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. Fernando Fernandez Jr., hepe ng Villasis-Philippine National Police, kinumpirma nito na nagpalabas sila ng memorandum order na may petsang July 30, 2019, para sa mga barangay officials upang ipaalam sa mga ito na bawal ang illegal gambling maging sa mga lamay sa kanilang bayan.
Napansin kasi aniya nito na hindi ang pakikiramay ang intensyon ng mga pumupunta sa lamay kundi ang makipagsugal.
Dahil dito kaya sila nagdesisyon na bigyang-diin ang usapin alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 1602 na may kaugnayan sa illegal gambling.
Ayon sa hepe, maikokonsidera na sugal ang anumang bagay o laro na pinagpustahan o ginamitan ng pera kabilang na ang card games, kara krus at iba pa.
Una nang inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na naging kabuhayan o livelihood na raw ng mga mahihirap pagsusugal.