Naniniwala si House Dangerous Drugs Committee chairman Robert Ace Barbers na hindi hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makalusot ang mga sinasabing unconstitutional provisions na nakapaloob sa Anti-Terrorism Bill.
Ito ay matapos na pumasa na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa kagabi ang House Bill 6875, na hindi na kailangan pang dumaan sa bicameral conference committee kundi diretso na lamang sa Office of the President matapos na i-adopt ng mababang kapulungan ang bersyon ng Senado sa naturang panukala.
Ayon kay Barbers, bilang abogado ay maaring i-veto ng Pangulong Duterte ang Anti-Terrorism Bill dahil ang ilan sa mga probisyon nito ay labag sa Saligang Batas.
Kung hahayaan kasi aniya ng Pangulo na makalusot ang mga probisyon na ito, maari aniyang ideklara pang unconstitutional ng Korte Suprema ang buong Anti-Terrorism Bill.
Si Barbers, na isa sa mga pangunahing may-akda ng Human Security Act of 2007, ay bumoto ng pabor sa Anti-Terrorism Bill pero may agam-agam sa ilang probisyon nito.
“I voted yes for the reason that I for one would like our country to have an Anti-Terror Bill that will empower mga law enforcers at mga armed forces natin to run after mga terrorist and those who wanted to kll people and destroy lives, pero without violating Constitutional rights to our people,” saad ni Barbers sa panayam ng Bombo Radyo.
Kabilang aniya rito ang warrantless arrest sa mga pinaghihinalaang terorista sa loob ng 14 na araw, na maari pang palawigin ng karagdagang 10 araw; pagtanggal sa P500,000 danyos sa kada araw na pagkakakulong ng mga aquitted naman sa kasong terrorism, at ang pagtatag ng isang Anti-Terrorism Council.