Umaapela si Interior Secretary Eduardo Año sa mga witness sa napaulat na pagdukot at pagkawala ng 31 sabungero na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Kasabay nito ay nagbabala ang kalihim sa mga witness na kung hindi makipagtulungan sa mga kinauukulan ay posibleng maharap ang mga ito sa karampatang kaso.
Naniniwala si Año na kaagad na mareresolba ang kasong ito sa oras na makipag-collaborate ang mga witnesses sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Nauna nang sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naghain na ng mga reklamong obstruction of justice ang PNP laban sa management personnel ng mga sabungan kung saan huling nakita ang mga nawawalang sabungero.
Samantala, sa pagdinig kamakailan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, humarap ang isa sa ama ng mga nawawalang sabungero, kung saan sinabi niyang mismong ang mga security guards ng Manila cockfight arena ang siyang kumuha sa kanyang anak.
Gayunman, nanawagan ang DILG sa publiko na kung mayroong impormasyon sa usapin na ito ay humarap at tumulong sa mga awtoridad para maresolba ang kaso.