-- Advertisements --

Tuloy sa paggawa ng ingay ang mga opisyal at riders ng ride-hailing app na Angkas para makumbinse si Pangulong Rodrigo Duterte na depensahan ang kanilang hanay laban sa nakaambang pagtapyas sa kanilang bilang ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang press briefing nitong araw sa Quezon City, hinimok ng grupo ng Angkas-bikers at rider advocates ang Malacanang na gawing urgent ang panukalang legalisasyon sa operasyon ng motorcycle taxis.

Umaasa ang grupo ng mga driver na aaksyunan ng mga mambabatas ang panukala, dahil handa naman daw silang sundin kahit pa maging strikto ang magiging panuntuna nito.

“Matagal nang pinanukala ng mga kinatawan sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Bilang kayo po ay super majority na may malaking bahagdan ng kongresista at senador. Why not gawin nating batas ito ng tuluyan at lagyan ng strict implementation para ma-secure at masagot ang tanong kung safe ba ‘yan, secure ba ang mananakay diyan,” ani Romeo Maglunsod ng Angkas.

Nakabinbin ngayon sa Senado ang mga panukalang batas nina Sen. Grace Poe, Ralph Recto, Imee Marcos at Sonny Angara na nagpapa-legalize sa biyahe ng mga motorcycle taxis.

Inanunsyo naman kamakailan ng Department of Transportation na hindi na ie-extend ng inter-agency Technical Working Group ang pilot run ng mga habal-habal sa pagtatapos ng March 23, 2020.