Arestado ang magkapatid na social media influencer na sina Andrew at Tristan Tate matapos maglabas ang korte sa Britain ng panibagong kasong kriminal.
Ayon sa Crown Prosecution Service ng Britain, umabot sa 38 bagong kaso ang isinampa laban kina Andrew at Tristan Tate, kabilang ang mga alegasyon ng panggagahasa, pananakit, at human trafficking.
Sinabi ng mga prosecutor na nakilala nila ang apat pang umano’y biktima na nagresulta sa karagdagang mga kaso laban sa magkapatid.
Nahaharap si Andrew Tate sa mga dagdag na kasong may kaugnayan sa rape, sex trafficking, at mga alegasyong may kinalaman sa indecent images of a child.
Samantala, kabilang naman sa mga kaso laban kay Tristan Tate ang rape at umano’y pagtulong o pag-aayos ng trafficking para sa sexual exploitation.
Hiniling ng Britain na ma-extradite ang magkapatid upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Ayon sa mga awtoridad, umabot na sa 59 ang kabuuang bilang ng mga kaso laban sa dalawa.
Nabatid na inaresto sina Andrew at Tristan Tate sa Miami, U.S. Pareho silang may American at British citizenship.
Itinanggi naman ng magkapatid ang lahat ng alegasyon at iginiit na pawang kasinungalingan ang mga kasong isinampa sa kanila.
Bukod sa mga kaso sa Britain, nahaharap din sina Andrew at Tristan Tate sa hiwalay na kaso sa Romania, kung saan iniimbestigahan sila mula pa noong 2022.
Kilala ang magkapatid sa malaking online following kung saan madalas silang nagbabahagi ng mga pananaw tungkol sa pagiging lalaki, marangyang pamumuhay, at ,maski sa kanilang pananaw kung paano i-trato ang mga kababaihan.










