-- Advertisements --

NAGA CITY – Biro umano ang naging dahilan ng pananaga-patay ng isang ama sa sarili nitong anak sa Mulanay, Quezon.

Maaalala, una nang kinilala ang biktima na si John Robert De Mayuga Abdula, 20-anyos, residente ng Sitio Tala, Barangay Latangan sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Arby Resullar, Investigator On Case ng Mulanay Municipal Police Station, sinabi nito na nag-iinuman lamang naman ang biktima at ang tatay nitong si Carlito Arevalo Abdula, 54-anyos kasama ang dalawang iba pa nang mangyari ang krimen.

Aniya, biniro lamang umano ng biktima ang suspek na baka maduling na naman ito dahil sa kalasingan matapos ang kanilang pag-iinuman.

Ngunit hindi umano ito nagustuhan at ikinapikon pa ni Carlito na naging dahilan upang tagain nito ang sariling anak na natamaan sa leeg na naging dahilan rin ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, wala naman sa lugar ang dalawang kasama ng mga ito nang maganap ang krimen dahil bibili pa sana ang mga ito ng alak.

Dagdag pa ni Resullar hindi naman na umano nagtangka pa ang suspek na tumakas at kusa na itong sumuko sa mga awtoridad.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.