Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang Estate Tax Amnesty.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 7068, na nag-aamiyenda sa Section 6 ng Republic Act No. 11213 o ang Tax Amnesty law, at palawigin naman ang pag-avail sa estate tax amnesty ng hanggang apat na taon mula sa kasalukuyang dalawang taon lamang.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mabibigyan ng luwag ang mga indibidwal na may outstanding tax liabilities para ma-settle ang kanilang estate taxes.
Sa kasalukuyang batas ay hanggang dalawang taon lamang kasi ang bisa ng batas matapos itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong February 2019.
Nauna nang sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Elenita Quimosing na ang total collection mula 2019 hanggang June 2020 para sa tax amnesties ay umabot ng hanggang P4.75 billion mula sa 23,911 tax amnesty availers.