Tiniyak ng Supreme Court (SC) na mas mabilis na ang pagdinig ng mga kaso sa korte.
Kasunod na rin ito ng pag-amiyenda ng Korte Suprema sa 1997 rules of civil procedures.
Kanina, pormal na inilunsad ng kataas-taasang hukuman ang naging resulta ng pagbabago o pag-amiyenda sa 1997 rules of procedure at revised rules on evidence.
Bagamat 2010 pa sinimulan ang revision sa mga procedures sa pagdinig sa kaso, 2019 na nang maaprubahan ito dahil na rin sa pagbabago ng teknolohiya at noong Mayo 1 naging epektibo ito.
Nagkaroon pa ng video presentation ang SC at ipinaliwanag nito na sa bagong rules of civil procedures at revised rules on evidence na magiging mas mabilis na ang proseso ng pagsasampa at pagdinig ng mga kaso.
Sa bagong rules of civil procedures, obligado na ang mga complainant na isama agad sa kanilang reklamo ang mga ebidensiya o judicial affidavits na dating sa trial proper pa nailalabas kaya tumatagal ang proseso.
Kung dati ay kalimitang nagkakaroon pa ng preliminary conference sa ilalim ng bagong rules of civil procedure, diretso na agad sa pre-trial ang kaso kung saan papangalanan narin ang mga testigo at agad na itatakda ang petsa ng kanilang presentation.
Sa bagong panuntunan, maari nang makapagbaba agad ng desisyon ang husgado sa pretrial pa lamang kung makakakita ito ng sapat na basehan para dito.
Kasama din sa bagong panuntunan na maari nang ipadala ang ano mang pleadings o mosyon sa pamamagitan ng electronic means o email, registered mail at nang mga accredited na courier ng
Korte.
Magiging aktibo rin ang mga hukom sa paghawak sa mga kaso.
Samantala, sinabi naman ni SC Chief Justice Diosdado Peralta, magiging kapakipakinabang ito hindi lamang sa nagrereklamo kundi pati sa mga inirereklamo gayundin sa mga court personnel.