-- Advertisements --

LA UNION – Ipinaliwanag ng Amerikano na si Robert Gortside na wala siyang intensyon na ipahiya ang punong barangay at ang apat na nagpakilalang tauhan ng city health office sa umano’y tangkang pangingikil ng mga ito habang sila ay nagsasagawa ng charity works sa Barangay San Agustin sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gortside, sinabi nito na walang may kagustuhan sa pangyayari maging ang inirereklamong si Punong Barangay Nicanor Ramos at ang mga kasama nito dahil nais lamang nito na malutas ang naturang usapin kasama ang kinauukulan.

Ayon kay Gortside, bago siya bumiyahe kasama ang kayang mga staff mula sa Pampanga na patungo sa inuupahan nitong tirahan sa Barangay upang ilunsad ang kanilang charity works ay tiniyak ng mga ito na nakamit nila ang mga kailangan dokumento gaya ng valid IDs at QR Codes.

Dala ng grupo ng nasabing banyaga ang giant slide at mga laruan para sa mga bata kasama ang iba pang tulong sa mga naninirahan sa nasabing barangay.

Nakipag-unayan din sila sa konseho ng barangay para sa kanilang aktibidad.

Sumunod naman sila, aniya sa ipinapatupad na health protocols habang isinasagawa ang charity works.

Sabi pa ni Gortside, itinigil nila ang aktibidad dahil sa umano’y pagpapaalis sa kanila nang wala silang maipakitang swab test sa kapitan ng barangay at sa apat na kasama na nagpakilalang tauhan ng health office.

Dadag pa ng Amerikano, humihingi din umano ng P20,000 bawat isa sa kanila ang grupo ng kapitan.

Hindi nagbigay ng pera sina Gortside dahil sa paniniwala na wala silang nilalabag na panuntunan upang makapunta sa San Agustin at maibigay ang sariling tulong sa mga naninirahan kasunod ang paghahayag na napamahal ito sa lungsod ng San Fernando.

Una rito, naging trending topic sa social media ang post sa social media ni Gortside na nagpapahayag ng kanyang saloobin hinggil sa umano’y pangingikil ng kapitan at ng kasamahan nito.

Nagpaliwanag na rin at itinanggi ng punong barangay ang alegasyon ni Gortside at ng mga staff nito hinggil sa umano’y pangingikil.