-- Advertisements --

Hinihintay na lamang ang summary deportation mula sa Bureau of Immigration (BI) para tuluyan nang mapaalis sa bansa ang isang American pedophile na naaresto sa Pampanga.

Ang suspek na si Samuel Arthur Thompson, 49 ay convicted sex offender at wanted sa federal authorities sa Florida, U.S.A. dahil sa child pornography at illegal gun possession.

Naaresto ang suspek sa Copenhagen St., Don Bonifacio Subd., Angeles City sa pamamagitan ng mission order na inisyu ni Commissioner Jaime H. Morente.

Ayon sa US Embassy, ang banyaga ay subject ng outstanding arrest warrant na inisyu ng US District Court sa Middle District ng Florida dahil sa unauthorized cyber access at intrusion maging ang possession of child pornography at firearm.

Lumalabas na noong taong 1998, nasintensiyahan na rin si Thompson ng isang korte sa Alabama ng isang taong pagkakakulong dahil sa panghahalay sa 15-year-old boy.

Ayon kay BI Intelligence Officer and FSU Chief Bobby Raquepo, kasalukuyan nang nakaditine si Thompson sa BI jail in Camp Bagong Diwa, Taguig City at nakatakdang ipa-deport dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien.

Ang pasaporte ng suspek ay una na ring ni-revoke ng US State Department.